About
Table of Contents
Comments (1)

Alam kong nag ngangalit ang aking panga at umiigting ang hawak ko sa kobre-kama kong lukot na lukot na. Pinipilit kong gumising ngunit ang mga mata ko'y hindi sumusunod sa sinasabi ng aking isip. Ramdam ko na rin ang pawis na bumabalot sa aking suot na pangtaas at ang pabaling-baling kong ulo na tila ikapuputol na ng aking leeg.

Sa gitna ng aking pagmamakaawa, isang mainit na palad ang dumampi sa aking pisngi.

"Raul."

Namutawi ang tinig na iyon nang pauilit-ulit sa aking isipan. Isang salita lamang ito ngunit tila nagsilbi itong gabay at pag-asa ko sa kabila ng hirap na aking dinaranas ngayon.

"Hindi pa ba siya gising?"

Isang pamilyar na boses ang tuluyang nagbigay sa akin ng lakas upang magising. Tumambad sa harap ako ang taong akala ko'y hindi ko na masisilayan. Nakita kong mula ang mga mata niyang unang bumihag sa aking puso at naramdaman ang pag-aalala niyang tuluyang nagpa-ibig sa akin.

"Raul! Sa wakas nagising ka na!"

Nahinto ang pag-alala ko sa nakaraan nang mailibot ko ang aking mata. Hindi ito ang tahanan ko. Alam kong nagkasakit ako. Sigurado akong isang linggo akong may trangkaso dahil iniwan niya akong nag-iisa. Nagmumukmok lang ako no'n. Pero ano `to? Nasa'n ako?

"Mabuti naman. Mukhang ayos na siya. Uuna na ako, Presila."

Tatangkain na sana niyang umalis nang pilit kong hinawakan ang puti niyang baro. "`Wag kang umalis, Kris. Saglit lang. `Wag mo akong iwan ulit. Mali `yung iniisip mo," bigkas ko sa kabila ng kinakapos kong hininga.

Binato niya sa akin ang isang nandidiri at mapanglait na titig. Hindi ko nagawang igalaw maski ang hinliliit ko. Sanay akong makatanggap ng ganitong pakikitungo sa ibang tao, ngunit kay Kris? Hindi. Hinding-hindi.

"Raul? Ayos ka lang ba? Nais mo bang magpahinga muna?"

Pilit na kinakalas ng babaeng nakabistida ang kamay ko na nakahawak sa damit ni Kris. Napasigaw na lamang ako. Sa inis ko ay marahas kong tinabig ang babaeng iyon.

"Sino ka ba? Anong karapatan mong mamagitan sa pagmamahalan namin ni Kris? Bakit mo ba kami pinipigilan?"

"Sino ako? Pagmamahalan ninyo? Nahihibang ka na ba?!" Napalakas ang kan'yang tinig ngunit kalmado pa ring nagpatuloy, "Kris, hindi ba siya ang nobyo ko? Magsalita ka. Hindi ba si Raul ang papakasalan ko?"

"Hindi ko alam kung anong sinasabi ni Raul, Presila. Baka dala lamang ng gamot na ininom niya."

"Raul, ako ito, si Prisila. Hindi ba't nanumpa ka pa noon na ako lamang ang iyong sisintahin? Anong nangyari?" Lumapit siya sa akin upang ako'y komprontahin, "isang biro lamang ito, tama? Imposibleng magustuhan mo si Kris."

Iba ang tono at bigkas ng kanilang salita. Parang nasa sinaunang panahon ako. Ano ba talagang nangyayari?

Muli kong pinagmasdan si Kris. Hindi, hindi siya ang Kris na kilala ko. Parang bumalik ako sa panahong una ko pa lang siyang nakita. Malamig, walang pakialam, at isang taong alipin ng kan'yang propesyon.

"Mauuna na ako Presila. Kailangan pa ako ng ibang sundalo. Mukhang tatlong araw na naman akong walang tulog."

Binuksan ni Kris ang pinto sa silid na aking tinutuluyan at doon ay lalong gumulo ang maliit na mundo ko. Kung hindi ako nagkakamali, panahon ito ng Kastila. Ang panahon ng digmaan, panahon kung saan ang magkasing-kasarian ay hindi maaaring magmahalan.

***

You may also like

Download APP for Free Reading

novelcat google down novelcat ios down